-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nahuli nang pinagsanib na pwersa ng militar at pulisya ang umano’y isang dayuhang terorista sa Cotabato City.

Nakilala ang suspek na si Adel Sulaiman Alsuhibani alyas Khalid, 60, Saudi national, nag-o-operate sa East Asia na miyembro umano ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

foreign terrorist

Kasama sa inaresto ang kanyang Pinay na asawa na si Norhaya Silongan Lumanggal, mga residente ng Bubong area Barangay Datu, Balabaran, Cotabato City.

Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander Maj. Gen. Juvymax Uy na ni-raid ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-Bangsamoro Autonomous Region (BAR) kasama ang mga tauhan ng NICA, Regional Intelligence Division (RID-15) PNP-Regional Mobile Force Battalion (RMFB) Marine Battalion Landing Team (MBLT-2), 6th ID, Philippine Air Force (PAF) at ibang Law Enforcement Unit ang tahanan ng mag-asawa.

Dala ng mga otoridad ang search warrant na mula pa sa Isulan, Sultan Kudarat na pirmado ni Judge Allan Edwin Boncavil acting Presiding Judge ng RTC-12 Branch 19.

Narekober sa suspek ang isang laptop, flash drive, passport, passbook at kagamitan sa paggawa ng improvised explosive device (IED).

Sinabi ng mga residente sa lugar na dalawang taon na nakatira ang mag-asawa, mga mababait at nagpakilalang mga negosyante.

Kinompirma naman ni PRO-BAR regional director Brig. Gen. Samuel Rodriguez na ilang buwan ding isinailalim sa surveillance ang suspek matapos malamang may ugnayan sa grupo ni Shiek Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abo Toraife ng Dawlah Islamiyah group/BIFF-ISIS inspired group at Saudi Based ISIS facilitator.

Pinabulaanan naman ni Alsuhibani na siya ay terorista, isa lamang siyang money-lending businessman.

Sa ngayon ay nakapiit na ang mag-asawa sa costudial facility ng CIDG-BAR at sumasailalim sa tactical interrogation.