Hindi pa rin pinapayagan ang pagtanggap ng mga dayuhang turista sa bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, wala pang desisyon ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) kaugnay dito.

Ayon kay Sec. Roque, prayoridad ngayon ng gobyerno ay mapauwi sa bansa ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa abroad dahil sa pandemya.

Inihayag ni Sec. Roque na dito pa lamang sa mga uuwing OFWs ay hindi na magkandaugaga ang pamahalaan dahil sa dami ng inaasahang babalik ng Pilipinas kaya paano na lang kapag pinayagang makapasok ng bansa ang mga dayuhang turista.