Karamihan daw sa mga alkalde ng National Capital Region (NCR) ay sang-ayon at nagrekomenda sa pagpapatupad ng “flexible” modified enhanced community quarantine (MECQ) sa susunod na buwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, pinag-usapan na aniya ng mga local chief executives ang iba’t ibang level ng community quarantine protocols kabilang na ang enhanced community qauarantine (ECQ), general community quarantine (GCQ) at ang modified ECQ.
Paliwanag ng MMDA chair, sa ilalim ng ECQ ay ang mga essential businesses lamang ang papayagang mag-operate habang sa kasalukuyang MECQ mayroong ilang klase ng transaksyon na ipinagbabawal.
Sa pagpupulong naman aniya ng mga alkalde ng Metro Manila, ang flexible MECQ na ikinokonsiderang ipatupad sa loob ng dalawang linggo ay mayroong dalawang factor. Kabilang dito ang klase ng negosyong puwedeng magbukas at ang pagpapatupad ng border control.
Sa ilalim ng naturang quarantine protocols, mayroong karagdagang klase ng negosyo ang papayagang magbukas.
Kabilang na rito ang pagbubukas ng construction activities at iba pang trabahong papayagan ng Department of Trade and Industry (DTI).
Maliban sa DTI, may listahan ng mga negosyong magbubukas na dadaan din sa Department of Health at National Economic and Development Authority.
Dagdag ng MMDA chair, ang border control ay ipapatupad sa pamamagitan ng pagsunod pa rin sa minimum safety protocols.
Sa curfew hours naman, simula sa Mayo 1, magsisimula ito dakong alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Pero ang rekomendasyon daw ng NCR mayors ay ipapasa pa sa Inter-Agency Task Force (IATF) at asahang ilalabas ang bagong guidelines sa katapusan ng Abril.