Nagpakitang-gilas ang Filipino-Canadian tennis star na si Leylah Fernandez matapos talunin ang Russian na si Anna Kalinskaya sa straight sets, 6-1, 6-2, upang masungkit ang DC Open title noong Linggo.
Ang panalo ay ang kauna-unahang WTA 500 title ni Fernandez at unang championship mula noong 2023. Tumagal lamang ng higit isang oras ang laban, kung saan nadomina niya ang buong match.
Matapos gapiin ang top seed na si Jessica Pegula at dating Wimbledon champion na si Elena Rybakina, nakamit ni Fernandez ang kanyang ika-apat na WTA title sa kanyang career.
Mabilis ding nakuha ni Fernandez ang unang set sa loob ng 30 minuto habang sa ikalawang set, mabilis rin siyang nakalamang at tuluyang isinara ang laban sa kanyang ikalawang match point.
Susunod na sasabak si Fernandez sa WTA 1000 Canadian Open sa Montreal, kung saan mas mahirap umano ang hamon.