Nakamit ni Filipino-Canadian Leylah Fernandez ang kanyang ikalawang kampeonato ngayong taon matapos talunin ang Czech teenager na si Tereza Valentova sa iskor na 6-0, 5-7, 6-3 sa Japan Open final nitong linggo.
Ito na ang ikalimang titulo sa karera ng 23-anyos na si Fernandez at unang pagkapanalo sa dalawang torneo sa iisang taon.
Bagaman may support wrap sa kanyang kanang hita, madali niyang nakuha ang unang set laban sa 18-anyos na si Valentova, na ngayon pa lamang nakarating sa isang WTA final.
Matapos mabawi ni Valentova ang ikalawang set, muling umangat si Fernandez sa ikatlong set upang tuluyang masungkit ang panalo.
Sa kabilang banda hindi naman nakalaro ang top seed na si Naomi Osaka matapos umatras dahil sa injury sa binti.
Samantala nakatakdang lumaban si Fernandez sa Pan Pacific Open sa Tokyo, kung saan makakatapat niya ang kapwa Canadian na si Victoria Mboko sa unang round.