-- Advertisements --

Bumuhos ang pakikiramay para sa pamilyang naiwan ng film icon na si Maria Azucena Vera-Perez o mas kilala bilang “Manay Ichu” sa edad na 77-anyos.

Kinumpirma ang malungkot na balitang ito ng kaniyang anak na si Erwin Maceda.

Si Manay Ichu ay kilala at isa sa tinitingalaang personalidad sa industriya ng pelikula.

Pinanganak ito noong Disyembre 23, 1942. Ang kaniyang pamilya ang nagmamay-ari sa Sampaguita Pictures na naging daan upang mabigyan ng oportunidad sa pelikula ang mga batikang aktor at aktres tulad nina Gloria Romero, Divina Valencia, Helen Gamboa, Caridad Sanchez, Celia Rodriguez at Tony Ferrer.

Mas nakilala si Manay Ichu sa mga pelikula na siya mismo ang nag-produce tulad ng Batch ’81 at Dyesebel.

Ito rin ang naging pundasyon sa iba’t ibang Philippine cinema organizations tulad ng Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund), Metro Manila Film Festival (MMFF), Film Academy of the Philippines (FAP), Philippine Motion Pictures Producers Association, Experimental Cinema of the Philippines, Film Development Council of the Philippines (FDCP), Philippine Motion Pictures Producers Association (PMPPA), at Experimental Cinema of the Philippines (ECP).