-- Advertisements --
USS Ronald Reagan WPS
USS Ronald Reagan

ABOARD THE USS RONALD REAGAN – Ramdam na ng mga Filipino-American Navy, na sakay ng USS Ronald Reagan CVN-76, ang pagka-miss sa pamilya gayundin ang pinakahihintay nilang matikman muli ang Pinoy food sa bansa.

Dahil nabigyan ng pagkakataon ang Bombo Radyo Philippines team na masakyan ang dambuhalang aircraft carrier ng US, hindi na rin pinalampas ng team ang pagkakataon na makapanayam at kumustahin nang personal ang ilan sa mga kababayan na nagtatrabaho sa USS Ronald Reagan CVN-76.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Brandon Romero, petty officer 2nd class sa USS Ronald Reagan, at tubong Quezon Province, April 2014 raw nang mag-join siya sa United States Navy. At ang huling uwi niya raw sa bansa ay noon taon pang 2018.

Kaya naman, ito na raw ang pagkakataon muli na makapipiling niya ang kanyang pamilya gayundin na matikman ang lutong-bahay na miss na miss na niya lalong lalo na ang adobo at caldereta.

Dagdag pa niya, marami raw Pinoy ang nasa loob nitong higanteng barkong pandigma ng Amerika, kaya naman kapag alam niya raw na Pinoy, mabilis daw silang makapagpalagayan at nagtutulungan bilang mga magkakababayan.

“The Filipino community in the navy is huge. There is at least 30-40% of us… that is consist of a US navy. Of course, siyempre, kapag mga Pilipino, uy kabayan! kapag nalaman po na Pilipino, nagkakaayos na po kami, nagtutulungan, mas napapaganda po iyong pamumuhay namin sa US Navy,” ani Brandon Romero

Ayon naman kay Lieutenant Katherine Serrano, tubong Pampanga, at Public Affairs Officer ng USS Ronald Reagan CVN-76, nagagalak daw siya at excited na magkaroon ng pagkataon ang mga US sailors lalong lalo na ang mga bago rito sa bansa, na ma-experience ang lutong Pinoy gayundin ang mayamang kultura ng Pilipinas.

“We’re just really really happy and super excited for all the sailors to connect with the locals, for the sailors who are new to Manila to experience food, the culture and everything else,” wika pa Lieutenant Katherine Serrano

Dagdag pa ni Lieutenant Katherine, hindi raw ito ang unang pagkakataon na naglayag siya sa Pilipinas sakay ng US carrier, pangalawang pagkakataon na ito para sa kanya magmula noong taong 2014.

Kung ang mga Fil-Am Navy ay sabik na matikman muli ang Pinoy food, excited ding makatikim ang mga foreign sailors na sakay ng USS Ronald Reagan, ng iba’t ibang delicacies sa Pilipinas gayundin na makapag-shopping.

Una rito, ilan sa mga marino na sakay ng USS Ronald Reagan ay may mga lahing Pilipino, kabilang ang mga ipinanganak at lumaki sa Pilipinas bago mag-migrate sa Amerika.

Huling bumisita ang USS Ronald Reagan sa Maynila noong 2019, bago ang pandemya ng COVID-19.

Ang pagbabalik ng barko sa Pilipinas ay isang mahalagang aspeto ng deployment nito, sapagkat pinatitibay nito ang ugnayan sa pagitan ng U.S. at Pilipinas bilang maritime partners sa Indo-Pacific.

Bilang pinakamalaking forward-deployed fleet ng U.S. Navy, nakikipag-ugnayan ang 7th Fleet sa 25 pang maritime na bansa upang bumuo ng mga partnership na nagpapatibay ng seguridad sa dagat, pagtataguyod ng katatagan, at maiwasan ang salungatan. (With reports from Bombo JC Galvez)