Gumawa ng kasaysayan ang Philippine Women Football team, matapos maipanalo ang laban kontra host country na New Zealand.
Ito ay matapos maipasok ni Filipinas striker Sarina Bolden ang pinakaunang goal ng Pilipinas sa kasaysayan ng Fifa Women’s World Cup.
Nagawa ito ni Bolden sa 24minute mark ng laban, sa kabila ng magandang depensa na ipinakita ng mga players ng Football Ferns, ang national team ng New Zealand.
Pinalipad ni Bolden ang bola sa pamamagitan ng isang header, direkta sa goalkeeper ng Ferns na si Victoria Esson. Tumama naman ang bola sa katawan ni Esson ngunit sa lakas ng impact nito ay tuluyan din niyang nabitawan papasok sa net.
Hindi pa nawalan ng pag-asa ang Football Ferns at makailang beses na tinangkang magpasok ng goal, ngunit hindi naman pinabayaan ni Filipinas goalkeeper Olivia McDaniel na makapasok ang mga ito, sa pamamagitan ng magandang depensa.
Tinapos ng Filipinas ang nasabing laro sa score na 1 – 0, kasabay ng paggawa ng kasaysayan sa Women Football ng bansa.
Maalalang sa naunang laban ng Filipinas kontra Switzerland ay hindi naka-score ang koponan ng bansa habang nakapagpasok ng dalawang goal ang mga Swiss players.
Sa Araw ng Linggo, makakaharap naman ng Filipinas ang 1995 winner na Norway, sa nagpapatuloy na Fifa Women’s World Cup 2023.