Kumpirmado na isang Filipino-American ang isa sa mga biktima sa pagbagsak ng helicopter sa Southern California kahapon na ikinamatay din ni NBA great Kobe Bryant at ng pitong iba pa.

Ito mismo ay ayon sa mga kamag-anak ng 38-anyos na si Christina Mauser, isang coach sa Mamba Academy na pag-aari ni Bryant.

Sinabi ng kanyang pinsang si Melanie Ramil, hindi raw nila maipaliwanag ang sakit na kanilang nararamdaman ngayon sa masaklap na sinapit ni Mauser.

Ayon naman sa kabiyak ni Mauser na si Matt, “devastated” daw siya at ang kanyang dalawang anak sa nangyari.

“We lost our beautiful wife and mom,” saad sa Facebook post ni Matt.

Una nang sinabi ng mga otoridad na walang nakaligtas sa pagbulusok ng helicopter kung saan sakay sina Bryant at Mauser sa bahagi ng Calabasas.

Kasama rin sa mga namatay ang 13-anyos na anak ni Bryant na si Gianna.

Inanunsyo ng Los Angeles County Medical Examiner’s Office na tatlong bangkay na ang narekober mula sa crash site, ngunit walang nabanggit ukol sa pagkakakilanlan ng mga ito.