Inaabangan na ang paghaharap ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw sa 64 na kawani at opisyal ng Bureau of Customs (BOC) na isinasangkot sa katiwalian.
Kung maaalala, mismong si Pangulong Duterte ang nagkumpirmang ipinatawag niya sa Malacañang ang mga Customs officials at employees para marinig ang kanilang panig.
Sa isang talumpati, inihayag ni Pangulong Duterte na paglilinisin niya ng waterlilies sa Ilog Pasig ang naturang mga kawani ng BOC.
Sinabi ni Pangulong Duterte, hindi na niya masikmura ang sumbong na katiwalian sa Customs kung kaya magdesisyon na siyang sibakin na ang mga ito sa pwesto.
Ayon pa kay Pangulong Duterte, nakahanda na ang mga kasong administratibo at kriminal sa mga inaakusahang taga-Customs.
Sa ngayon wala pang inilalabas ang Malacañang na opisyal na schedule kung anong oras mamaya mangyayari ang face-off ni Pangulong Duterte at mga BOC employees.