-- Advertisements --

Hihingi umano ng audience si Presidential Spokesman Harry Roque kay Pangulong Rodrigo Duterte para pag-usapan ang concerns niya kaugnay sa PhilHealth.

Sinabi ni Sec. Roque, paiimbitahan din niya rito si PhilHealth President/CEO Ricardo Morales.

Ayon kay Sec. Roque, mabuting marinig mismo ni Pangulong Duterte ang mga pahayag ni Morales matapos nitong sabihing posibleng maubusan ng pondo ang institusyon sa susunod na apat na taon kapag itinuloy ang pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) Law.

Inihayag ni Sec. Roque na sasabihin din niya kay Pangulong Duterte ang pagkadismaya niya dahil ilang taon na mula nang ilagay sa PhilHealth si Morales ay wala pa siyang nakikitang development sa mga kasong korupsyong isinampa laban sa mga senior officials at board member nito.

Hanggang ngayon daw ay nananatili pa sa PhilHealth ang mga umano’y tiwaling opisyal ng PhilHealth at wala kahit isa man lang na napapatalsik sa pwesto o nasasampahan ng kasong administratibo.

Ipinaalala ni Sec. Roque na ayaw na ayaw ni Pangulong Duterte ang katiwalian sa kanyang mga opisyal kaya mabuting malaman niya mismo kung ano na ang nangyayari ngayon sa PhilHealth matapos nitong ilagay dito si Morales.