-- Advertisements --

Kasado na ang pagsisimula ng expanded COVID-19 testing bukas ng Department of Health (DOH) bilang tugon sa panawagan ng malawakang testing sa publiko.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, higit 300 volunteer na medical technologists, molecular biologists, laboratory technicians at researchers ang ide-deploy nila bilang dagdag na pwersa sa kasaluyang mga nagmamando ng testing facilities.

“Sa paraang ito masisiguro nating may sapat na healthcare workers sa mga pasilidad.”

Katuwang daw dito ng DOH ang National Institute of Molecular and Biotechnology ng University of the Philippiness – Diliman.

May 1,429 volunteers nang nakatapos ng online biosafety course ng UP Manila na requirement ng mga magsasagawa ng test.

“Tayo rin ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa Department of Science and Technology upang alamin kung ano-anong equipment at supplies ang maaaring maipahiram ng ating partner academic institutions. Sa kanilang pakikipagtulungan, anim na PCR test kits na ang nama-match upang tugunan ang pangangailangan ng iba’t-ibang certified na laboratoryo sa bansa.”

“Sisiguraduhin nating may on-site training ang medical technologists sa RNA extraction.”

Sa kasalukuyan, 15 ospital at center ang accredited ng DOH para sa COVID-19 testing. Kabilang sa mga ito ang:

• Research Institute for Tropical Medicine
• Baguio General Hospital and Medical Center
• San Lazaro Hospital
• Vicente Sotto Memorial Medical Center
• Southern Philippines Medical Center
• UP National Institute of Health
• Lung Center of the Philippines
• Western Visayas Medical Center
• Bicol Public Health Laboratory
• St. Lukes Medical Center – QC
• St. Lukes Medical Center – BGC
• The Medical City
• Molecular Diagnostic Laboratory, Mandaluyong
• Makati Medical Center
• V. Luna Hospital

Dahil sa malawakang testing, mage-extend daw ng operasyon ang naturang mga pasilidad para sa mas maraming pwedeng i-test.

May 28 ospital naman ang naka-pending pa ang aplikasyon at certification para maging testing facility.

“Bibigyan din natin ng prayoridad ang application for Stage 1 and Stage 2 laboratories ng mga pasilidad sa Mindanao.”

Una ng nilinaw ng DOH na kahit papalawakin nila ang COVID-19 testing ay prayoridad pa rin dito ang mga matatanda, may pre-existing medical condition, mga buntis, at healthcare workers na may sintomas ng sakit.