Naglabas si dating AnaKalusugan party-list Rep. Mike Defensor ng umano’y audio recording ng “surprise witness” na si Orly Guteza, na nagsasabing pinilit umano siyang baguhin ang kanyang statement kaugnay ng isyu ng umano’y pagdadala ng pera kay dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez.
Sa inilabas na audio clip sa social media, maririnig si Guteza na kausap ang kanyang asawa, kung saan sinabi niyang pinipilit siyang magsumite ng bagong affidavit na nagsasabing hindi siya nagdala ng pera—salungat sa nauna niyang testimonya sa Senate Blue Ribbon Committee.
”Vinideohan ako nung nakaraang araw, tapos binasa ko ‘yung statement may mga siningit sila na hindi naman totoo na idinidiin nila si Marcoleta pati si Defensor. Tapos sinabi nila doon sa statement na pinangakuan ako ng pera, babayaran ako at sinabi pa doon na wala akong alam doon sa delivery dun sa bahay ni Romualdez,” pahayag ni Guteza sa inilabas na audio ni Defensor.
Ayon kay Defensor, ang naturang recording ay ginawa umano ng asawa ni Guteza gamit ang cellphone. Gayunpaman, wala pang opisyal na kumpirmasyon sa pagiging authentic ng nasabing audio.
Ipinakita rin ni Defensor ang kopya ng umano’y reklamo ng Ombudsman laban kay Romualdez kaugnay ng flood control controversy, na nakabatay umano sa affidavit ni Guteza. Gayunman, hindi pa umano ito pormal na naihahain.
Nanawagan din si Defensor kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla na bigyan ng protective custody si Guteza at ang kanyang pamilya, iginiit na maaaring nasa panganib ang iba pang mga testigo.
Samantala, wala pang tugon ang kampo ni Remulla sa naturang panawagan.
Matatandaang humarap si Guteza bilang “surprise witness” sa Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 25, ngunit hindi na siya muling nakita matapos ang naturang pagdinig.
Sa naunang pahayag, itinanggi ni Romualdez ang mga alegasyon at tinawag itong “kasinungalingan” at “fabrication.” Iginiit niyang imposibleng naganap ang sinasabing pagdadala ng pera sa kanyang tirahan sa Makati dahil sumasailalim umano ito sa renovation at walang nakatira roon maliban sa mga construction worker.















