-- Advertisements --

Inaasahang makararating na ngayong hapon sa Pag-asa Island ang mga youth volunteer ng Atin Ito Coalition na lulan ng MV Kapitan Felix Oca upang personal na mag-abot ng mga kinakailangang suplay para sa mga residente at komunidad sa nasabing isla.

Bago ang kanilang inaabangang pagdaong, iba’t ibang aktibidad muna ang isinagawa ng mga boluntaryo sa ibabaw ng barko habang binabagtas ang karagatan patungong West Philippine Sea.

Ayon sa ulat, nagsagawa ang mga kabataan ng isang sunset yoga session kahapon, araw ng Biyernes, sa mismong deck ng MV Kapitan Felix Oca upang mapanatili ang kanilang maayos na kondisyon at kahandaan sa misyon.

Ang naturang aktibidad ay bahagi lamang ng serye ng mga programang inihanda sa loob ng barko na sinimulan pa noong Mayo 1.

Bilang paggunita sa Labor Day, nagkaroon ng isang maagang programa ang grupo upang bigyang-pugay ang mga mangingisdang Pilipino at mga frontline workers na patuloy na naghahanapbuhay at nagbabantay sa teritoryo ng bansa.

Bukod dito, nagsagawa rin ang mga boluntaryo ng isang film screening na tumatalakay sa isyu ng West Philippine Sea, pati na rin ng isang rap workshop upang mas lalong patibayin ang samahan ng mga kalahok.