Inilunsad ng University of the Philippines Marine Science Institute (UP MSI) ang isang online platform na nagtatampok sa mga siyentipikong pag-aaral at mayamang biodiversity ng Pag-asa Island sa Kalayaan, Palawan sa West Philippine Sea.
Pinamagatan itong “Pag-asa Island: A Hidden Pearl of Biodiversity,” kung saan tampok sa website ang mga resulta ng pananaliksik, mga larawan, at karanasan ng mga marine biologist mula sa kanilang mga ekspedisyon sa isla.
Layunin nitong gawing mas madaling maunawaan ng publiko ang kahalagahan ng Pag-asa Island at ng mga karagatang nakapaligid dito. Makikita rin dito ang mga pag-aaral tungkol sa mga corals, seabirds, iba’t ibang uri ng isda, at iba pang marine species.
Suportado ang proyekto ng Canada Fund for Local Initiatives sa pamamagitan ng Embahada ng Canada.
Ayon sa UP MSI, plano rin nilang magtayo ng isang “research museum” upang maipakita ang mga natuklasan mula sa Pag-asa Island.














