-- Advertisements --

Pinalagan ng Department of National Defense (DND) ang paggigiit ng China ng soberanya sa mga maritime feature ng bansa sa West Philippine Sea (WPS), kabilang ang Pag-asa at Lawak Islands.

Sa isang opisyal na pahayag, binigyang-diin ng DND na ang mga naturang feature ay bahagi ng Kalayaan Island Group. Ang mga ito ay opisyal na pinamamahalaan ng Pilipinas sa ilalim ng Munisipalidad ng Kalayaan sa lalawigan ng Palawan.

Ayon kay Defense Spokesperson Assistant Secretary Arsenio Andolong, lehitimo ang pagpapatupad ng awtoridad ng Pilipinas sa mga nasabing lugar. Kabilang dito ang mga proyekto para sa improvement at development na naglalayong tiyakin ang kapakanan, kaligtasan, at kabuhayan ng mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho roon.

Tugon ito ng DND matapos ipahayag ni Chinese Defense Spokesperson Jiang Bin ang kanilang mariing pagtutol sa mga construction activity ng Pilipinas.

Giit ni Jiang na iligal umanong inookupa ng Pilipinas ang mga lugar na ito, at iginiit na may “indisputable sovereignty” ang China sa tinatawag nilang Nansha Islands o Spratly Islands.

Buong-tapang namang pinasinungalingan ng DND ang mga claims na ito ng China at nanindigang legal ang lahat ng aktibidad at infrastructure development ng Pilipinas sa Pag-asa at Lawak Islands.