Nagpahayag ng pagsuporta ang National Maritime Council (NMC) sa Department of National Defense (DND), kasunod ng panibagong pagbatikos ng Chinese Ministry of National Defense kaugnay sa mga isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Unang naglabas ang DND ng posisyon ukol sa Pag-asa Island at Lawak Island sa West Philippine Sea na parehong bahagi ng teritoryo ng PIlipinas
Gayunpaman, binatikos ito ng Chinese MND sinabing ang Philippine infrastructure and development activities sa Pag-asa at Lawak islands ay hayagang paglabag sa Chinese sovereignty.
Ayon naman sa NMC, lehitimong bahagi ng pamamahala ng Pilipinas ang anumang development sa mga isla sa Kalayaan Island Group upang mapabuti ang kalagayan, seguridad, at kabuhayan ng mga Pilipinong naninirahan sa mga ito.
Karapatan din ng gobyerno ng Pilipinas, ayon sa NMC, na bantayan ang mga Pilipinong nagagawi sa naturang lugar, at ang anumang development na gagawin dito ay bahagi salig sa soberanya ng bansa.
Muling binalikan ng konseho na walang legal na batayan sa ilalim ng international law ang tinatawag na “nine-dash line” claim ng China, batay na rin sa 2016 Arbitral Award na pumabor sa Pilipinas sa ilalim ng UNCLOS.
Tiniyak din ng konseho na mananatiling matatag ang Pilipinas sa pagsusulong ng rules-based international order, sa kabila ng mga banta mula sa Chinese forces na kadalasang nagpapasimula ng panghaharass sa pinag-aagawang karagatan.















