-- Advertisements --

Ipinag-utos ni US War Secretary Pete Hegseth ang pag-withdraw ng nasa 5,000 tropang sundalo mula sa Germany sa loob ng sunod na taon, ayon sa Pentagon.

Ginawa ang anunsiyo matapos ang naunang pagbabanta ni US President Donald Trump na tanggalin ang mga tropa mula sa kaalyado nito sa North Atlantic Treaty Organization (NATO) na Germany sa gitna ng alitan kay Chancellor Friedrich Merz, na nagsabing pinapahiya ng Iran ang US sa negotiating table.

Habang tinuligsa naman ni Trump ang tila pagkatig ni Merz sa ideya ng pagkakaroon ng Iran ng Nuclear Weapon.

Sa isang statement, sinabi ni Pentagon spokesman Sean Parnell na inaasahan nilang makukumpleto ang withdrawal ng kanilang mga sundalo sa sunod na anim hanggang sa labing-dalawang buwan.

Sa datos noong Disyembre 31, 2025, mayroong 12, 662 active-duty US troops sa Italy at mayroong 3,814 sa Spain habang sa Germany naman ay mayroong 36,436 tropang sundalo ng Amerika.