-- Advertisements --

Humirit ng apela ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa desisyon ng International Criminal Court (ICC) na kumpirmahin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

Sa isinumiteng 18-pahinang dokumento sa ICC Pre-Trial Chamber I, iginiit ng depensa na nagkamali umano ang hukuman sa pagpayag na umusad ang kaso, at tinawag itong “impermissibly flexible” sa pagbuo ng mga paratang.

Ayon sa kampo ni Duterte, hindi umano malinaw ang ebidensiyang naging batayan ng korte sa pag-apruba ng mga kaso, na anila’y maaaring makaapekto sa pagiging patas at maayos na takbo ng paglilitis.

Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng kanyang war on drugs, at kasalukuyang nakakulong sa The Hague mula pa noong Marso 2025.

Samantala, nabuo na rin ang Trial Chamber III ng ICC na hahawak sa kaso, na magsisilbing susunod na yugto ng pagdinig laban sa dating pangulo.