-- Advertisements --

Mag-aalok ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Oriental Mindoro ng kabuuang 1,467 na bakanteng trabaho sa isasagawang job fair sa Mayo 1, kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day.

Gaganapin ang job fair sa Bulwagang Panlalawigan sa loob ng Provincial Capitol Complex sa Barangay Camilmil, Calapan City.

Ayon sa DOLE, 13 kumpanya ang lalahok sa aktibidad na mag-aalok ng iba’t ibang trabaho tulad ng production assistants at operators, health at wellness providers, engineers, sales associates, at drivers.

Payo ng DOLE sa mga aplikante na magdala ng updated resume at iba pang pangunahing dokumento, dahil maaaring magkaroon ng on-the-spot interviews at hiring sa mismong araw ng job fair.

Hinimok din ng ahensya ang mga interesadong aplikante na mag-pre-register online upang mapabilis ang proseso, at bisitahin ang kanilang opisyal na Facebook page para sa kumpletong listahan ng mga employer at bakanteng trabaho.