BUTUAN CITY – Nag-uumapaw ang kaligayahang nadarama ni Judy Chin Amante, nakahiwalayang asawa ng natalong si dating Agusan del Norte 2nd District Rep. Erlpe John Amante, matapos na kanyang natalo ang incumbent mayor at bagong karelasyon ng kanyang mister na si Katrina Marie Mortola.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, malaki ang pasasalamat nito sa lahat ng Cabadbaranons na bumoto sa kanya lalo na’t landslide victory ang nakamit ng kanilang kinabibilangang Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (12-0).

Ito’y matapos na manalo rin ang kanyang running-mate na si re-elected Vice Mayor Ray Jamboy at ang kanilang line-up sa pagka-konsehal na kinabibilangan nina Inez Amante, Jamjam Corvera, Popoy Famador, Oliver Bulang, Joan Monding, Abner Cagaanan, Celson Sanchez, Judith Cueno, Lovejoy Quiambao, at Alan Asio.

Ayon sa bagong halal na mayor, hindi niya bibiguin ang kanilang mga kababayan sa pagbibigay ng serbisyong ipinangako nila sa mga Cabadbaranons.