-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng kampo ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na hindi nito aatrasan ang kinakaharap na kasong conspiracy to commit sedition na nakitaan ng probable cause ng korte na unang inihain ng Department of Justice (DoJ).

Una nang ipinag-utos ng korte na arestuhin si Trillanes kasama si Peter Jomel Advincula alyas “Bikoy” at 10 iba pa kaugnay sa “Ang Totoong Narcolist” videos na sumentro sa alegasyon na sangkot umano sa illegal drug trade ang pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ipinaabot na mensahe ng tanggapan ni Trillanes, sinabi nito na haharapin nito ang panibagong kaso katulad sa naunang mga aniya’y panggigipit ng administrasyon laban sa kanya.

Inihayag ng dating senador na agad itong maghahain ng kanyang piyansa sa korte sa oras na makabalik na mula sa labas ng bansa dahil sa sunod-sunod umano na dinaluhan nitong mga aktibidad.

Si Trillanes ay una nang inaakusahan na “utak” ng Bikoy videos kasama ang isang pari at ilang political figures mula sa panig ng oposisyon kung saan naglalayong pabagsakin ang administrasyong Duterte.