CAUAYAN CITY – Muling nanawagan ng tulong sa kanilang mga kaanak ang pamilya Alvarez matapos na ihayag ng mga espesyalista ng Manila Doctors Hospital na maaaring isailalim sa Plasma Theraphy si dating Sen. Heherson Alvarez.
Sa kaniyang social media account, inihayag ni Hexelon Alvarez ang panganagilangan ng plasma ng kaniyang ama na kasalukuyan pa ring nakaadmit sa pagamutan dahil sa COVID-19.
Hiniling din nito ang tulong at suporta ng mga recovered COVID-19 patient na may Blood Type A+ dahil ito ang blood type na kailangan ng dating senador para sa kaniyang plasma therapy.
Wika pa ni Hexilon, bagama’t labis ang kaniyang pagnanais na maihatid sa mismong blood donor ang blood extracting kits ay ipinaliwanag sa kaniya ng mga doktor na hindi ganoon kadali ang proseso upang makuha ang plasma sa dugo ng tao.
Ayon sa mga espesyalista, kakailanganing dumaan sa isang makinarya ang dugo kung saan ihihiwalay ang plasma nito habang ang dugo ay babalik sa katawan ng donor.
Muli namang nagpasalamat ang pamilya Alvarez sa patuloy na pagbuhos ng panalangain para sa paggaling ng kanilang mga magulang.
Matatandaang naunang na-admit at na-intubate sina dating senador Heherson at asawa nitong si Cecile Guidote Alvarez noong Marso 30 sa Manila Doctors Hospital matapos na magpositibo sa COVID-19.