KORONADAL CITY – Patay ang isang dating pulis at dalawang kasama nito matapos umanong manlaban sa isinagawang anti-illegal drug operation ng mga pulis sa Polomolok, South Cotabato.

Kinilala ng Polomolok PNP na pinamumunuan ni PLt. Col. Alex Joe Orcajada ang dating pulis na nasawi umano sa shootout na si Joel Labuen, 38.

Batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Koronadal, napatay ng raiding team si Labuen na siyang target ng naturang operasyon matapos daw manlaban sa bahagi ng Barangay Cannery Site, Polomolok.

Maliban sa dating pulis, patay rin ang kasama nitong si Gary Monetro, 37, na pinaputukan din ang mga otoridad.

Tumakas naman ang kanilang kasamang si alyas Kokoy ngunit na-corner ito sa bahagi ng Perlan Compound at nang manlaban umano ito ay dito na siya binaril.

Kaagad isinugod ang mga suspek sa isang pribadong ospital ng naturang bayan ngunit idineklarang dead on arrival.

Nakuha ng mga otoridad sa tatlong mga drug suspek ang five hundred pesos buy-bust money,anim na pakete ng suspected shabu, .45-caliber pistol na may anim na mga bala, .38-caliber revolver, 9 mm pistol, at drug paraphernalia.

Nabatid na si Labuen ay kabilang sa Inter-Agency Drug Information Database ngunit tinanggal dahil sa pagkakasangkot sa illegal drug activities.