-- Advertisements --

Nakalabas na ng ospital si dating Finance Secretary at Prime Minister Cesar Virata matapos sumailalim sa treatment sa COVID-19 at iba pang kumplikasyon.

Sa Facebook post ng kanyang anak na si Gillian, nagpasalamat ito sa lahat ng nagdasal para sa paggaling ng kanyang ama.

Kwento ni Gillian, una nilang isinugod ang kanilang ama sa ospital matapos dumanas ng stroke mahigit dalawang linggo na ang nakalilipas.

Kalaunan ay nagpositibo sa COVID-19 ang dating opisyal.

Sumailalim umano sa tatlong confirmatory tests si Virata at nakauwi na rin ito matapos lumabas na negatibo na ito sa deadly virus.

Sa pahayag naman ng nakatatandang Virata, lubos ang kanyang pagkagalak matapos gumaling sa sakit.

Ang 89-anyos na si Virata ang isa sa pinakamatatandang COVID-19 positive patients na nakarekober mula sa impeksyon.

Kung maaalala, si Virata ay nanilbihang Finance Secretary at Punong Ministro ng bansa noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.