-- Advertisements --

Binigyang linaw ng Office of the Ombudsman na walang nakabinbin kasong kriminal o adminstratibo laban kay former Pangasinan 4th District Representative Christopher De Venecia.

Kung saan, nag-isyu ang Ombudsman ng ‘clearance’ bilang patunay na wala itong kinakaharap na kaso kasunod nang maiugnay sa isyu ng maanomalyang flood control projects.

Magugunitang nitong nakaraan lamang kasi ay naghain ng reklamo si Samahan ng mga Operator at Tsuper ng Traysikel ng Pangasinan President Jaime Aquino sa Ombdusman laban kay De Venecia.

Inakusahan at inirereklamo niya ang dating mambabatas kasama pati Sual Mayor Liseldo Calugay at misis ng alkalde ng plunder, malversation of public funds, grave misconduct, gross neglect of duty, at dishonesty.

Alegasyon kasi nito na ‘ghost project’ ang proyektong flood control sa Pangasinan nagkakahalaga ng higit P286 milyon iniuugnay kina De Venecia.

Ito naman ay mariing pinabulaanan ni De Venecia sapagkat wala umanong matibay na basehan o katibayan ang mga akusasyon.

Kung kaya’t aniya’y bagamat kinakailangan ang ‘transparency’ at ‘accountability’, panawagan niya ang pag-iingat lalo na sa mga mapagsamantala at naghahain ng mga kasong walang tiyak na patunay para sa pansariling interes lamang.

“Habang dapat unahin ng bawat Pilipino ang transparency at accountability, kailangan din nating mag-ingat laban sa mga indibidwal na nagsasamantala sa galit ng publiko at naghahain ng mga walang basehang kaso para kumita,” ani former Pangasinan 4th District Representative Christopher De Venecia.