Mariing itinanggi ni dating Pangasinan Fourth District Representative Christopher De Venecia ang alegasyon kaugnay sa “ghost flood control projects” sa kanilang distrito.
Sa isang statement, sinabi ng dating kongresista na walang katotohanan at walang basehan ang naturang mga akusasyon.
Aniya, ang bawat proyektong isinagawa sa ilalim ng kaniyang panunungkulan ay dokumentado, naisakatuparan nang maayos, at naihatid sa mga komunidad na dapat na makinabang dito.
Binigyang diin din ni De Venecia na ang reklamo laban sa kaniya ay nagmula kay Jaime Aquino, na aniya isang indibidwal na mayroong kasaysayan ng paulit-ulit na paghahain ng mga walang basehan at malisyosong paratang laban sa mga public official. Aniya, habambuhay nang itiniwalag mula sa National Press Club si Aquino dahil sa seryosong paglabag sa journalistic ethics, dahilan kayat kwestyonable ang kredibilidad at motibasyon sa likod ng kaniyang panibagong reklamo.
Nagpahayag din ang dating mambabatas ng pagkabahala kung saan inamin mismo ng mga complainant na wala silang sapat na ebidensiya at hiniling sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at sa Office of the Ombudsman na magsagawa ng karagdagang imbestigasyon. Kayat saad niya, ang naturang kaso ay inihain nang walang anumang “substantiating facts”.
Sa kabila nito, nakahanda si De Venecia na ibigay ang lahat ng kaukulang ebidensiya at dokumentasyon para ipakitang lehitimo at maayos na naisakatuparan ang bawat proyekto.
Kasabay nito, tinitignan din ng ex-Pangasinan lawmaker ang lahat ng legal remedies para panagutin ang mga nasa likod ng pagpapalutang ng mali at malisyosong akusasyon laban sa kaniya kabilang ang civil at criminal recourse.
“The people’s trust has always been my guiding principle. 𝐈 𝐫𝐞𝐦𝐚𝐢𝐧 𝐬𝐭𝐞𝐚𝐝𝐟𝐚𝐬𝐭 𝐢𝐧 𝐦𝐲 𝐜𝐨𝐦𝐦𝐢𝐭𝐦𝐞𝐧𝐭 𝐭𝐨 𝐢𝐧𝐭𝐞𝐠𝐫𝐢𝐭𝐲, 𝐭𝐫𝐚𝐧𝐬𝐩𝐚𝐫𝐞𝐧𝐜𝐲, 𝐚𝐧𝐝 𝐭𝐡𝐞 𝐰𝐞𝐥𝐟𝐚𝐫𝐞 𝐨𝐟 𝐨𝐮𝐫 𝐜𝐨𝐦𝐦𝐮𝐧𝐢𝐭𝐢𝐞𝐬, and I will not allow false accusations from discredited sources, filed without evidence, to divert our focus from serving the public good,” saad ng ex-lawmaker.
Ginawa ni De Venecia ang paglilinaw kasunod ng inihaing joint-verified complaint-affidavit sa Ombudsman nitong Huwebes para sa plunder at iba pang mga kaso laban sa kaniya, kasama si Sual Mayor Dong Calugay at ilang DPWH officials at contractors dahil sa dalawang umano’y ghost flood control projects sa Pangasinan.
















