Patay matapos umanong manlaban ang isang high value target at narco-politican sa isinagawang operasyon ng PNP-CIDG sa port of Batangas kagabi.
Kinilala ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang nasawi na si Montasser Sabal, dating mayor ng Talitay, Maguindanao noong 2010 hanggang 2013.
Ayon kay PNP chief may dalawang warrant of arrest ang suspek sa kasong may kinalaman laban sa pagbebenta ng iligal na armas at iligal na droga.
Supplier din umano si Sabal ng armas ng mga teroristang BIFF.
Mapayapa namang naaresto si Sabal sa Port of Batangas kagabi ng CIDG pero habang binabiyahe na siya patungo sa Camp Crame ay bigla na lang daw itong nang-agaw ng baril kaya nabaril din ito ng pulis.
Naisugod pa sya sa ospital sa San Juan pero idineklara ring dead on arrival.
Sasampahan din ng kaso ang anim na iba pang kasamahan ni Sabal na naaresto kagabi sa operasyon na nakilalang sina: Norayda Nandang, Muhaliden Mukaram, Aika de Asis, Ailyn Compania, Zuharto Monico at William Santos.
Kasalukuyang nakakulong ang anim sa detention facility ng CIDG-NCR.
Nakuha sa posisyon ni Sabal ang anim na matataas na kalibre ng armas, mga bala, magazine, 400 grams shabu, mga ID cards at P200,000 cash.
Sinabi ni Eleazar na kanila pang inaalam kung posibleng gagamitin sa darating na halalan ang mga armas na nakumpiska sa grupo ni Sabal.
Dagdag pa ni PNP chief na sangkot sa Davao City bombing noong 2016 si Sabal.
Lumalabas naman sa record na dating myembro ng PNP SAF ang suspek noong 1998 hanggang 2010 bago tumakbo sa pulitika.
Bihasa umano si Sabal sa intelligence, urban counter warfare course, explosive and ordnance disposal and sniper course.
Pinuri naman ni Eleazar ang CIDG at iba pang operating units and law enforcement agencies sa matagumpay na operasyon.
Ang neutralisasyon kay Sabal ay malaking epekto umano sa chain of supply ng armas at pampasabog ng BIFF na responsable sa mga pag-aatake at pambobomba sa Maguindanao at karatig lugar.
Binigyang-diin din ni Eleazar na bilang kanilang protocol dahil sa namatay si Sabal under police custody ay magsasagawa ng motu-propio investigation ang PNP Internal Affairs Service (IAS).
Pinapa-expedite ni PNP chief kay PNP Inspector General Atty. Alfegar Triambulo ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa kaso ni Sabal.
















