-- Advertisements --
image 158

Pinabulaanan ni dating Deputy Chief for Operations PLTGEN Benjamin Santos Jr. ang mga alegasyong may alam siya sa tactical move ng mga PNP Drug Enforcement Group kaugnay sa operasyon nito hinggil sa 990KG biggest drug haul sa kasaysayan ng PNP noong Oktubre ng nakalipas na taon.

Ito ang binigyang-diin ni Santos kasunod ng naging pahayag ni PBGN Narciso Domingo na dating hepe ng PNP Drug Enforcement Group na mayroon daw silang clearance mula sa kaniya at kay PNP Chief PGEN Rodolfo Azurin Jr. na huwag munang ilabas ang resulta ng naturang raid at gayundin ang pagkaka-aresto kay PMSG Rodolfo Mayo Jr. dahil may mga follow up operations pa raw sila na dapat ikasa.

Giit ni Santos, wala siyang alam sa tactical decision ng commander on ground noong mga panahon na iyon, at tanging hulihin at arestuhin lamang si Mayo ang kaniyang ipinag-utos noon matapos niyang makita ang identification card nito sa isang maliit na vault mula sa crime scene.

Dagdag pa niya, nagtungo lamang daw siya sa crime scene noong mangyari ang naturang raid dahil ipinag-utos daw ni PNP Chief Azurin na i-congratulate ang mga tauhan ng PNP na naroon dahil sa tagumpay ng mga ito sa pagkakasabat ng halos isang toneladang ilegal na droga mula sa nasabing operasyon.

Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, ay nilinaw ni Santos na noong mga oras na iyon ay wala siyang ideya na naaresto na pala si Mayo ng mga otoridad dahil wala naman daw nagsabi sa kaniya ukol dito.

Kung maaalala, nitong Pebrero sinibak si Santos sa kaniyang puwesto bilang Deputy Chief for Operations ng PNP matapos ipag-utos ni PNP Chief PGEN Rodolfo Azurin Jr. ang balasahan sa hanay ng Pambansang Pulisya.

Ayon kay Santos, hindi niya raw alam ang dahilan ng desisyon na ito hanggang ngayon dahilan kung bakit kasalukuyang siyang nasa floating status.

Dahil dito ay nagdadalawang isip din daw siya kung maghahain ba siya ng leave of absence na alinsunod sa panawagan ni Department of the Interior and Local Government Benjamin Abalos Jr. gayung, applicable lamang aniya ang ganitong klaseng order sa mga pulis na may active status dahil pinagli-leave lamang aniya ang isang opisyal upang hindi ito makapang-impluwensya pa ng kapwa.