CENTRAL MINDANAO – Nahuli ng mga otoridad ang dating opisyal ng barangay sa inilunsad na anti-drug operation sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang suspek na si Ruel Lastimado, 49, may asawa at dating barangay kagawad ng Brgy San Vicente, Makilala, North Cotabato.

Ayon kay Cotabato Police Provincial director Colonel Maximo Layugan na nagpatupad ng search warrant ang mga tauhan ng Makilala PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-Cotabato) sa tahanan ng suspek sa Purok 8, Brgy San Vicente, Makilala, Cotabato.

Ang search warrant ay inisyu ni Judge Arvin Sadiri Balagot ng RTC 12 Branch 17 sa Kidapawan City.

Sinabi ni Makilala chief of police Major Arniel Melocotones na nakuha sa tahanan ni Lastimado ang 12 pakete ng shabu, isang granada, improvised Uzi, 2 cellphone, 2 lighter at ibat-ibang klase ng bala.

-- Advertisement --

Mariin namang pinabulaanan ni Lastimado na hindi sa kanya ang mga nakuhang shabu, baril, granada, mga bala at iba pa sa loob ng kanyang bahay.

Sa ngayon ay nakapiit na sa costudial facility ng Makilala PNP ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.