Inamin ng Department of Health (DOH) na posibleng maipagpaliban muna ang eleksyon sa ilang lugar sa bansa nang dahil sa surge ng COVID-19.
Paliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III, malaki ang posibilidad nito kung talagang magkakaroon ng malaking pagtaas sa mga kaso ng nasabing virus sa ilang mga lugar.
Una nang sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na ang pagpapaliban ng halalan ay maaari lamang na mangyari sa mga sitwasyon ng terorismo, karahasan, pagkasira ng mga election paraphernalia, at force majeure o kung magkakaroon man ng mga hindi inaasahang mga pangyayari.
Ayon pa kay Garcia, sa ngayon ay pinag-aaralan pa ng Comelec kung dapat bang uriin na force majeure ang pagtaas ng mga kaso ng nasabing sakit.
Samantala, muli namang nagpaalala si Duque sa mga botante na may nararamdamang sintomas sa araw ng halalan na manatili na lamang sa kani-kanilang mga tahanan upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon.
Habang pinayuhan naman niya na kailangang mag-isolate at makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga local government units ang mga indibidwal na magkakaroon ng sintomas para sa mas maayos na protocols.
Magugunita na una nang nagbabala ang DOH sa posibleng panibagong surge na mararanasan ng bansa pagsapit ng buwan ng Mayo kung babalewalain ng bawat isa ang mahigpit na pagsunod sa mga ipinatutupad na minimum public health standard.