-- Advertisements --

Ipinagbabawal na ngayong linggo, Mayo 11, ang lahat ng uri ng pangangampanya ng lahat ng kandidato para sa nakatakdang halalan bukas, Mayo 12. 

Kasabay nito ang pagpapatupad ng nationwide liquor ban.

Hinimok ni Comelec Chairman George Erwin Garcia ang mga kandidato na simulan nang tanggalin ang mga campaign materials, kabilang ang mga naglalalakihang tarpaulin dahil itinuturing na itong paglabag sa mga patakaran ng halalan.

Binigyang-diin pa ni Garcia na hindi rin saklaw ng exemption sa campaign ban ang mga digital platforms. 

Samantala, pinaalalahanan din ng poll body sa mismong araw ng halalan ang mga kandidato na iwasang maglibot matapos bumoto, dahil maaari itong ituring bilang last-minute campaigning. 

Nakatakda bukas ang midterm elections kung saan magbubukas ang polling precincts simula alas-5 ng umaga upang bigyang prayoridad ang mga nakatatanda, mga taong may kapansanan, at mga buntis na rehistradong botante na makaboto nang maaga hanggang alas-7 ng umaga.