Bigong nakapasok sa podium si EJ Obiena sa kakatapos lamang na Wanda Diamond League sa Keqiao, China noong Sabado, Mayo 3, na nagtapos sa ikalimang pwesto.
Ang world No. 4 pole vaulter ay nakatawid lamang ng 5.72 meter, na nagdulot ng tie sa kanya kasama ang tatlong ibang atleta, ngunit bumaba siya sa ikalimang pwesto dahil sa countback.
May pagkakataon pa sana siyang makapasok sa podium ngunit nabigo sa tatlong attempt nito sa 5.82 meter. Nanatili namang nangunguna si Mondo Duplantis ng Sweden, sa kanyang 6.11 meter attempt, habang si Emmanouil Karalis ng Greece ang pumwesto ng ikalawa sa taas na 6.01 meter.
Bagamat hindi pumasok sa podium, itinuturing na mas maganda ang naging performance ni Obiena kumpara sa kanyang unang leg ng Diamond League sa Xiamen, China, kung saan nakatawid siya ng 5.62 meter.
Matapos ang kompetisyon, inaasahang babalik si Obiena sa Pilipinas para sa PATAFA Pole Vault Challenge na kanyang tinulungan sa pag-organisa sa Ayala Vermosa Sports Hub sa Cavite sa Mayo 6.