-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpalabas ng kautusan si Cotabato City Mayor Cynthia Guiadi-Sayadi para sa mga kapatid nating Muslim kaugnay sa nalalapit na pagdiriwang ng Eid’l Adha sa darating na Biyernes, July 31.

Batay sa Executive Order (EO) No. 358, kabilang sa protocols ay ang pagsasagawa lamang ng mga panalangin sa loob ng mosque, sa loob ng bahay at iba pang mga closed establishments; pagbabawal na magsagawa ng Eid prayer sa mga open space; pagsunod ng mga mananampalataya sa EO 356 o COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) Containment Order; at pagbibigay ng parusa sa mga hindi susunod sa minimum health standards katulad ng pagsusuot ng facemask, physical distancing, at iba pa.

Karaniwang ipinagdiriwang ang Eid’l Adha o Feast of Sacrifice sa Huwebes ng gabi at magtatapos sa Biyernes ng gabi.

Isa ito sa Islamic holidays na ipinagdiriwang bawat taon kung saan inaalala ang pagsasakripisyo ni Ibrahim sa kaniyang anak na si Ismael bilang pagsunod sa utos ni Allah.