-- Advertisements --

Tiniyak ni House Appropriations Committee Chairperson Rep. Mikaela Suansing na ang sektor ng edukasyon ang nakatanggap ng pinakamalaking bahagi ng pondo sa ilalim ng panukalang 2026 General Appropriations Bill (GAB).

Ayon kay Suansing, bukod sa edukasyon, binigyang-prayoridad din ng Kamara ang sektor ng kalusugan at agrikultura.

Sa isang press conference ngayong araw, inihayag ng mambabatas na mula sa P255.5 bilyong pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH), muling inilaang pondo sa mga pangunahing sektor tulad ng edukasyon, kalusugan, at agrikultura.

Batay sa datos, nasa 78.7% ng P255.5 bilyon o katumbas ng P201.1 bilyon ang inilaan sa tatlong pangunahing sektor. Mula rito, P56.64 bilyon ang mapupunta sa edukasyon, habang tig-P53.75 bilyon naman ang inilaan para sa agrikultura at kalusugan.

Samantala, ang natitirang bahagi ng pondo mula sa flood control projects ng DPWH ay inilaan para sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng DOLE, DSWD, DOTr, DND, DOJ, DENR, DOF, DICT, DOE, Judiciary, Ombudsman, COA, NSC, National Commission on Senior Citizens, Local Government Support Fund (LGSF), COMELEC, DMW, DHSUD, at DILG.

Ayon kay Suansing, umabot sa P1.28 trilyon ang kabuuang alokasyon para sa sektor ng edukasyon sa ilalim ng 2026 national budget, na siyang pinakamalaki sa lahat ng sektor. Sinundan ito ng health sector na may P411.2 bilyon, habang ang agriculture sector naman ay may kabuuang P292.9 bilyong alokasyon.

Bukod dito, naglaan din ang Kongreso ng P32.8 bilyon para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at iba pang social programs ng pamahalaan.

Ipinagmalaki rin ni Suansing na naglaan ang pamahalaan ng P7.82 bilyon para sa pagbabayad ng mga kakulangan sa pondo ng mga State Universities and Colleges (SUCs). Aabot sa 114 SUCs ang makikinabang sa pondong ito.

Nilinaw rin ni Suansing na walang inilaan na pondo para sa unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2026 national budget. Aniya, “Kapag walang dagdag na kita ang gobyerno, walang mapopondohan sa unprogrammed appropriations.”