-- Advertisements --

Umapela si Eastern Samar Governor Ben Evardone sa pamahalaan na maglaan ng subsidiya para sa panggastos ng trasnportasyon ng mga produkto papunta sa ibat ibang lalawigan upang maiwasan aniya ang pagtaas ng presyo ng bilihin.

Ito ay kasunod ng pagpapatupad ng three-ton load limit sa San Juanico Bridge dahil sa mga isyu ng kalitad ng tulay na nag-uugnay sa Samar at Leyte.

Sa isang pahayag iminungkahi ni Evardone na dapat sagutin ng gobyerno ang bayad sa Roll-on/Roll-off (RoRo) transport ng mga produkto, lalo na’t mas malayo at magastos na ngayon ang ruta patungong Calbayog at Catbalogan na inaabot ng apat hanggang walong oras.

Bagaman nananatiling normal ang presyo ng mga bilihin sa kasalukuyan ayon sa Department of Trade and Industry, nagbabala si Evardone na posibleng tumaas na ito sa susunod na inventory dahil paubos na umano ang dating stock ng mga produkto.

Hiniling din ng gobernador na dumiretso na ang mga RoRo vessels sa mga pantalan sa Borongan at Guiuan upang mapabilis ang delivery ng suplay.

Samantala, nakataas na ang blue alert status ng Office of Civil Defense at Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) sa rehiyon, habang nasa state of emergency na ang lalawigan ng Samar dahil sa epekto ng load limit.