Naitala ng Commission on Audit (COA) ang pag-realease umano ng humigit kumulang P3.4 million ng Office of the Vice President (OVP) para sa livelihood assistance program nito na “Mag Negosyo Ta ‘Day” kahit wala pang maayos na feasibility at viability evaluation ng kanilang mga project proposals.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng financial assistance ang 128 indibidwal at 10 organisasyon noong 2024 na nagkakahalaga ng P1.92 million at P1.5 million.
Bagaman kwalipikado ang mga benepisyaryo, sinabi ng COA na hindi ni-review ng Department of Trade and Industry (DTI) at Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ang mga proposal para matiyak kung papasok sa viability ng ekonomiya ang naturang proyekto.
Dagdag pa rito, wala rin daw na written agreement sa pagitan ng OVP at ng DTI/PDIC tungkol sa pagsusuri ng mga project proposals at endorsement sa OVP.
Ayon sa focal person ng programa, mahirap ang evaluation ng ibang ahensya dahil sa kawalan ng nasabing kasunduan.
Inirekomenda naman ng COA na tiyaking may sapat na dokumentasyon, kabilang ang barangay certification na naglalaman ng residency at derogatory record ng aplikante, bago maipamahagi ang tulong.
Napansin rin ng auditors na 8 sa 128 indibidwal ay may kulang na certificate, ngunit naayos narin daw at naipasa sa audit team noong Pebrero 14, 2025.
















