-- Advertisements --

Ipinagmalaki ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) ang kanilang mga natamong tagumpay sa larangan ng pagsugpo sa insurgency sa pagdiriwang ng kanilang ika-19 na anibersaryo na ginanap nitong ika-28 ng Agosto, 2025.

Ang pagdiriwang na ito ay nagbigay-diin sa dedikasyon at walang humpay na pagsisikap ng command sa pagkamit ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon ng Eastern Mindanao.

Sa kanyang makabuluhang talumpati, ibinahagi ni EastMinCom Commander Lt. Gen. Luis Rex Bergante ang mga detalyadong resulta ng kanilang mga operasyon laban sa mga rebeldeng grupo.

Ayon sa kanya, nakapagtala ang EastMinCom ng 894 na mga miyembro ng Communist-Terrorist Group (CTG) na sumuko, nahuli, o nasawi mula sa kanilang 82 na isinagawang military operations sa iba’t ibang bahagi ng kanilang nasasakupan.

Dagdag pa rito, nakarekober din ang mga tropa ng EastMinCom ng 498 na mga armas, na nagpapakita ng malaking dagok sa kakayahan ng mga rebelde na magsagawa ng karahasan.

Binigyang-diin ni Bergante na dahil sa nasabing tagumpay na tinatamasa ng kanilang mga dedikadong tropa, malaki ang naging epekto nito sa pagpigil ng anumang karahasan na maaaring isagawa ng mga CTG.

Nabawasan din ang kapabilidad ng mga terorista para makapanggulo at maghasik ng takot sa mga komunidad. Ang mga ito ay nagresulta sa mas mapayapa at tahimik na pamumuhay para sa mga mamamayan ng Eastern Mindanao.

Ang mga matagumpay na operasyon ng EastMinCom ay nagbunga sa pagkaka dismantle ng isang Guerilla Front, apat na Vertical Unit ng New People’s Army (NPA), at dalawang Sub-Regional Committees ng Komisyon Mindanao.

Ito ay malaking accomplishment na nagpapahina sa istruktura at operasyon ng mga rebeldeng grupo sa rehiyon.