-- Advertisements --

Inatasan ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ang Department of Health (DOH) para mapauwi sa lalong madaling panahon ang nasa 24,000 overseas Filipino workers (OFWs) na kasalukuyang nasa mga quarantine facilites kahit tapos ng sumailalim sa COVID-19 test.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, binibigyan na ng go-signal ni Pangulong Duiterte ang mga ahensya ng gobyerno na gamitin ang lahat ng resources ng gobyerno bilang paraan ng transportasyon para mapauwi ang mga OFWs.

Ayon kay Sec. Roque, ngayong linggo ang deadline na ibinibigay ni Pangulong Duterte para maisagawa ang kanyang direktiba.

Inihayag ni Sec. Roque na nagsabi rin si Pangulong Duterte na kinakailangang palakasin ang PCR testing sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas, hindi lamang dito sa Metro Manila para pupuwede nang umuwi diretso sa kanilang mga probinsya ang mga OFWs at doon na sila magpakuha ng PCR COVID-19 test.

Iginiit pa ni Sec. Roque hindi katanggap-tanggap kay Pangulong Duterte na matapos maglingkod para sa ating bayan bilang mga OFWs kung saan nawalay sila sa kanilang mga pamilya at nagdusa ay lalo pang mahihirapan habang naghihintay ng kanilang mga COVID-19 results.