BEIJING – Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa gobyerno ng China na makipagtulungan sa gobyerno ng Pilipinas sa pagresolba ng mga krimeng kinasasangkuta ng mga Chinese nationals sa Pilipinas.
Sa kanyang pagdalo sa Philippines-China Business Forum sa Beijing, sinabi ni Pangulong Duterte na partikular dito ang pagkakadukot ng mga Chinese nationals kung saan kapwa nila Chinese ang gumagawa rin.
Tinukoy ni Pangulong Duterte ang mga Chinese na nagsisilbing “loan sharks” sa mga sugarol na kababayan saka dinudukot kapag hindi nakakabayad na ng pagkakautang.
“Once they lose heavily, there are financials mostly Chinese that would lend you the money. But after that, they would ask for your repayment and if it cannot be repaid at once, they kidnap and sometimes they kill Chinese nationals; kidnapped by Chinese nationals,” ani Pangulong Duterte.
Kasabay nito, tahasang binalaan ni Pangulong Duterte ang mga Chinese nationals na sundin ang mga batas sa Pilipinas kung ayaw mapasama lalo na mapatay.
Inihayag ni Pangulong Duterte, hinihiling nito ang mga nagbabalak magdala ng iligal na droga at gumawa ng krimen sa Pilipinas na huwag ng tumuloy dahil papatayin niya sila.