Kumpiyansa si Pangulong Rodrigo Duterte sa kakayahan ng bagong director general ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gerald Bantag.

Sa panayam sa Malacañang, sinabi ni Pangulong Duterte na tiwala siyang kakayanin ni Bantag na maisaayos ang pangangasiwa sa pambansang piitan dahil galing na rin naman ito sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ayon kay Pangulong Duterte, ang marching orders niya kay Bantag ay tiyaking maipatutupad nang tama ang mga patakaran sa pangangasiwa sa Bilibid, itigil ang mga special treatment na ginagawa sa ilang mga preso at siguruhing hindi na iiral ang mga iligal na aktibidad sa bilangguan.

Inihayag pa ni Pangulong Duterte na kakausapin niya si Bantag at papayuhang gawin ng tama ang kanyang trabaho dahil kung hindi, ito mismo ang ipapako niya sa krus sa loob ng Bilibid. 

Hindi naman lingid sa kaalaman ni Pangulong Duterte na mayroong dating mga kaso si Bantag gaya ng 10 counts of murder dahil sa pagpapasabog ng granada sa loob ng Parañaque City Jail na ikinasawi ng 10 inmates at ikinasugat ng iba pa.

Paglilinaw ng pangulo, na-downgrade ang kasong ito ni Bantag sa homicide at hindi naman ito na-convict.

“Well, he’s a professional. He was accused of killing several, prisoners, granada daw. But I think there was a commotion there and he was charged with — for the crime of — for the crime of murder. But it was downgraded to homicide and since there is no conviction yet, in obedience to the rule of the presumption of innocence, I gave him a new job,” ani Pangulong Duterte. “Alam na niya ‘yan. Siya man ang — siya man ang taga-BJMP, so alam niya. Marching order is to guard and so that they will not escape. That’s why it’s a penitentiary.”