-- Advertisements --

BEIJING – Hindi na umano ikinasorpresa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “outright rejection’ o pagbasura ni Chinese President Xi Jinping sa ruling ng Permanent Court of Arbitration (PCA) nang ungkatin nito sa kanilang bilateral meeting kagabi.

Sa press briefing sa Philippine media delegation sa Beijing, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na matagal ng iginigiit ng China ang “Nine Dash Line Theory” at hindi rin nila kinikilala ang Arbitral Court, at hindi rin nakibahagi sa naging mga proceedings sa isinampang kaso ng Pilipinas.

Ayon kay Sec. Panelo, hangad sana ni Pangulong Duterte na mabago ang posisyon ng China at kilalanin ang arbitral ruling na nagbabasura sa kanilang claim sa halos buong South China Sea.

Pero hindi nga daw binigyang-pansin ni Xi ang nasabing dokumento at tahasang ibinasura.

Nagkasundo naman daw ang dalawang lider na huwag gawing sentro o pangunahing concern sa bilateral relations ng Pilipinas at China ang hidwaan ng teritoryo sa South China Sea.

Sa kabila naman ng kabiguang mabago ang posisyon ng China, magpapatuloy pa rin daw ang gagawing negosasyon sa naitatag na mekanismo para payapang maresolba ang territorial dispute.