Dumistansya ang MalacaƱang sa pagkabuhay ng girian sa liderato ng Kamara matapos ibulgar ni Speaker Alan Peter Cayetano ang umano’y tangkang pagpapatalsik sa kanya bago pa man matatapos ang pamumuno sa Oktubre ngayong taon alinsunod sa kanilang term-sharing ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi manghihimasok si Pangulong Rodrigo Duterte sa panloob na usapin sa Kamara maliban na lamang kung hihingin muli ang kanyang pagpagitna.

Ayon kay Sec. Panelo, sa ngayon ay bahala sina Speaker Cayetano at Rep. Velasco na resolbahin ang kanilang hidwaan.

Sa kabila nito, naniniwala naman si Sec. Panelo na susundin ng mga kongresista ang term-sharing na pinagkasunduan sa harap ni Pangulong Duterte.

Posibleng hamon lamang din umano ni Cayetano ang kanyang pahayag para kung hindi kontento ang kanyang mga kasamahan sa kanyang liderato ay lumabas sila at siya’y papalitan.