Kaabang-abang umano ang magiging mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gaganaping forum ng Valdai Discussion Club, isang prominenteng “think tank” sa Russia kung saan magsasagawa ng Official Visit mula Oktubre 1 hanggang 6.
Sinabi ni Chief of Presidential Protocol Robert Borje, makakasama ni Pangulong Duterte ang iba pang piling world leaders sa forum na may temang “The World Order Seen from the East.”
Ayon kay Sec. Borje, kauna-unahang pagkakataon ito na naimbitahan ang pangulo ng Pilipinas sa nasabing forum na malapit ang kaugnayan kay Russian Federation President Vladimir Putin.
Inihayag ni Sec. Borje na inaasahang ibibigay ni Pangulong Duterte ang kanyang perspektibo at hinahangad sa sitwasyon ng mundo at kung paano ito maiuugnay sa foreign policy ng Pilipinas.
“He is expected to give his perspective or vision of the world order as it emerging right now and how this relates to Philippine foreign policy,” ani Sec. Borje.
Kabilang pa sa highlights ng biyahe ni Pangulong Duterte sa Russia ang kanyang bilateral meeting kay Putin, pagbibigay ng lecture sa Moscow State Institute of International Relations, pananalita sa Philippines-Russia Business Forum at pagharap sa Filipino community na binubuo ng nasa 7,000 mga kababayan.