Maaari umanong mapunta sa korte ang mga alegasyon laban kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa oras na mapatunayang may pagkukulang ito sa pagproseso ng kasunduan para sa COVID-19 vaccine ng Pfizer.
Ayon kay Senator Francis Pangilinan, kung totoo nga na nagkulang ang DOH ay posibleng maharap si Duque sa kasong gross at inexcusable negligence sa anti-graft law.
Umaasa umano ang senador na walang magiging issue ng ‘kickvacc’ sa procurement ng bansa sa mga bakuna.
Masyado raw crucial ang ginagawang pagsisiyasat ng Senate Committee of the Whole sa vaccination prograp upang tiyakin na walang korapsyon o overpricing practices na magaganap sa pagbili ng COVID-19 vaccine.
Una nang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr na di-umano’y may nagpabaya kaya naapektuhan ang shipment ng 10 milyong bakuna ng Pfizer sa bansa.
Isiniwalat naman ni Senator Panfilo Lacson ang impormasyon na kaniyang nakuha mula kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na nabigo umano si Duque na gawin ang kaniyang tungkulin sa Confidentiality Disclosure Agreement (CDA).