-- Advertisements --

Tahasang kinontra ng MalacaƱang ang naging pahayag ni Health Sec. Francisco Duque III na nasa “second wave” na ang Pilipinas sa COVID-19 pandemic.

Magugunitang umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga eksperto ang tinuran ni Sec. Duque sa pagdinig ng Senado kahapon at maging si Executive Sec. Salvador Medialdea ay nagulat din at wala daw nababanggit si Duque sa pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious (IATF).

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nagsimula ang “first wave” noong dumating ang tatlong Chinese na positibo sa COVID-19 at nagpatuloy hanggang Pebrero.

Ayon kay Sec. Roque, lumobo pa ito hanggang Marso hanggang unti-unting bumaba pero hindi pa ganap na na-flatten ang “curve” kaya wala pa tayo sa “second wave.”

Inihayag ni Sec. Roque na galing sa mga dalubhasa ang kanyang pahayag na taliwas sa kakaibang interpretasyon ni Sec. Duque.