CEBU CITY – Nananatiling tikom ang bibig ng retiradong pulis na isa sa mga suspek sa pagbaril sa radio blocktimer sa Dumaguete City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Negros Oriental Provincial Police Office Director, Police Colonel Julian Entoma, sinabi nito na tahimik si Police Corporal Glenn Corsame at sinasabing tanging abogado na lang daw nito ang magsasalita.
Ayon kay Entoma, kanilang na-identify si Corsame sa pamamagitan ng mga closed circuit television footage na kanilang nakuha gayundin ang isa pang suspek na si Teddy Silao.
Kaagad naman na-trace ang plate number ng pick up truck na sinakyan ni Silao at nakuhanan pa ito ng .45 caliber pistol.
Nabatid na nito lang Enero nag-optional retirement ang nasabing pulis at recruit diumano ito ng Special Action Force o SAF.
Ang biktima na si Dindo Generoso ay diumano’y “hardhitting commentator” kung saan pinupuntirya nito sa ere ang ilang pulis at politiko.
Sa ngayon nagpapatuloy ang hot pursuit operation ng pulisya sa pag-aresto sa iba pang suspek sa krimen.