-- Advertisements --

Nagbabala ang state weather bureau na ang trough ng Typhoon Dolphin ay kasalukuyang nakakaapekto sa Batanes at Babuyan Islands, na maaaring magdulot ng flash floods at landslides dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Samantala, patuloy na umiiral ang Southwest Monsoon (Habagat) na nagdadala ng pag-ulan sa Occidental Mindoro, Zambales, at Bataan, gayundin sa Metro Manila, Ilocos Region, Abra, Benguet, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, at Antique.

Apektado rin ang Zamboanga Peninsula, nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas, pati na ang Misamis Occidental, Lanao del Norte, at Lanao del Sur.

Bagama’t nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), nananatiling nakakaapekto ang Typhoon Dolphin (2613) sa hilagang bahagi ng bansa.

Matatagpuan ito sa layong 810 kilometro hilagang-silangan ng extreme Northern Luzon, taglay ang maximum sustained winds na 155 kilometro kada oras malapit sa sentro at bugso ng hangin na umaabot sa 190 kilometro kada oras.

Kumikilos ito patungong timog-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Pinapayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na maging handa sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa, at patuloy na makinig sa mga abiso ng lokal na pamahalaan.