-- Advertisements --

Tinatayang magtatagal pa ang mabibigat na pag-ulan sa ilang parte ng Luzon hanggang bukas, Linggo, Agosto 9, base sa forecast ng state weather bureau.

Ito ay bunsod pa rin ng epekto ng hanging habagat.

Inaasahang mararanasan ang ulang aabot sa 100 hanggang 200 millimeters (mm) sa mga probinsiya ng Ilocos Sur, La Union, Abra, Benguet, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro mula ngayong Sabado hanggang tanghali ng Linggo.

Parehong buhos ng ulan ang inaasahang maranasan sa nasabing mga lugar maliban sa Abra mula Linggo ng tanghali hanggang sa Lunes ng tanghali.

Ibinabala rin ng state weather bureau na posibleng magdala ng 50 hanggang 100 mm na ulan ang hanging habagat ngayong Sabado hanggang Lunes ng tanghali sa mga sumusunod na lugar: Ilocos Norte, Pangasinan, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Nueva Vizcaya, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Batangas, Oriental Mindoro at Antique.

Ayon pa sa weather bureau, ang inaasahang pag-ulan ay maaaring mas malakas sa mga bulubundukin at matataas na lugar. Bukod dito, maaaring lumala ang mga epekto sa ilang lugar na binayo ng nagdaang matitinding pag-ulan.

Sa ngayon, ang binbantaynag low pressure area (LPA) sa labas ng teritoryo ng Pilipinas na nasa layong 2,675 km silangan ng Northern Luzon ay naging isa nang Tropical Depression.

Habang ang Typhoon Dolphin na lumabas na ng monitoring domain ng state weather bureau ay patuloy na binabantayan dahil sa patuloy na “wobbling motion” o pabago-bago ng direksiyon, na maaaring magresulta sa muling pagpasok nito sa domain.