-- Advertisements --

Haharap ngayong Lunes ang dalawang auditor ng Commission on Audit (COA) bilang mga testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Nabatid na magpapatotoo sina dating Intelligence and Confidential Funds Audit Office state auditor Roderick Wamil at supervising auditor Celine May Del Campo tungkol sa pag-audit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Matapos ang testimonya ng dalawang auditor, inaasahan ding haharap si Marivic Pareja, director ng Legislative Information Resources Management Department ng House of Representatives.

Sinabi ng lead prosecutor na si Representative Gerville Luistro na tututok na ngayon ang prosekusyon sa audit process at sa mga natuklasan ng COA, kabilang ang mga Notice of Disallowance na inilabas kaugnay ng umano’y kuwestiyonableng paggastos ng confidential funds.

Nauna nang tumestigo ang mga retiradong LandBank branch managers na sina Violeta Constantino at Nenita Camposano, na naglahad ng detalye sa pag-encash ng Treasury checks na nagkakahalaga ng P612.5 million para sa OVP at DepEd noong si VP Sara pa ang kalihim ng kagawaran.

Sa ilalim ng Article I ng impeachment complaint, inaakusahan si Sara Duterte ng umano’y maling paggamit ng P612.5 million confidential funds na inilaan sa OVP at DepEd.

Ayon sa prosekusyon, ang liquidation ng mga pondo ay sinamahan ng mga kuwestiyonableng acknowledgment receipts na naglalaman ng mga pangalang gaya ng “Mary Grace Piattos,” “Milky Secuya,” at “Kokoy Villamin,” bukod sa daan-daang iba pang pangalan na hindi umano tumugma sa mga rekord ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Iginiit din ng prosekusyon na mabilis na nagastos ang malaking halaga ng confidential funds, kabilang ang P125 million na umano’y naubos sa loob lamang ng 11 araw. Dahil dito, naglabas ang COA ng notices of disallowance na nag-uutos sa pagbabalik ng mga kuwestiyonableng ginastos.

Samantala, sinabi ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ang confidential at intelligence funds ay nananatiling saklaw ng audit ng COA at hindi maaaring gamitin nang walang pananagutan.